Hindi ako makatulog ngayon, kung titignan ng marami ituturing na nilang normal yung ganito sa akin, lagi naman daw akong nagpupuyat, ganito naman daw talaga ang buhay ko. Pero ngayong gabi (o umaga, depende na lang sa kung anong perspective ang nais mong gamitin) na ito alam ko sa sarili ko na hindi ito pangkaraniwang katamaran sa pagtulog.
May mga bagay kanina na maituturing kong panggising sa isang pananaginip, ika nga ni Pat Velasquez, "ano lang yan para ka lang sinampal ng karanasan/katotohanan." Nakakaaliw na ilang araw lang ang nakalipas noong nadama ko na tila abot kamay na ang minsang inakalang hindi makakamtan, tapos kanina inabutan na ako nang realidad. Ang realidad na sa bawat pangarap, panaginip at pagasa, may kalakip na pagkabigo.
Ngayon lang ata ako nawalan ng sasabihin upang maibahagi kung ano ang nararamdaman ko. Marami akong gustong sabihin tungkol sa nangyari, nghunit hindi mahanap ang mga salitang makapagpapalabas nito. Isang bagay na gusto mong ipagsigawan pero wala ka namang boses. At gusto ko talagang magsalita dahil isa ito sa mga paraan ko sa pagpurga ng emosyon pero yun nga ngayon blanko ako.
Nakakatawa lang kasi na imbis na pakawalan na sa isipan ang kung anumang pangarap ang dating namuo sa utak ko mas lalo pa itong pumipintig at binigyan ng kahulugan. Sabi nga nung kanta
"Putulin man ang tali ay
Sadyang walang kawala
Sa pagkaakit at di paglapit
Nananalangin at umaasa"
Kung kelan nga naman pinaharap sa katotohonan dun ko pa mas magagamay kung gaano pala kalalim yung mga pangarap ko. Ganon lang siguro ang takbo ng buhay ngayon. Tapos na kasi birthday ko kaya back to normal na haha. Unintentional birthday gift lang yung naganap haha.
Hindi naman siguro naiintindihan ng kung sino mang bumabasa ng blog na ito ang tinutukoy ko pero yun nga sinusubukan ko pa ring dumada dahil sabi ko nga sa taas paraan ng pagpurga o pagpapakawala ito para sa akin, pero sa totoo lang ang isang linyang to ay halos sapat na para kahit papano ihayag ang diwa ng mga binabanggit ko ngayon.
"Nararapat bang pigilan ang Damdamin na lalong mahulog sa iyo?"
No comments:
Post a Comment