Matagal ko na nakita ang pahayag na ito. Isang headline sa diyaryong (kung di ako nagkakamali, Libre) binabasa nung isang lalaki doon sa megatren. Nadaplisan lang ng mga mata ko noong tumayo ako sa may tabi nung mama.
"Who do you write for?"
Yan ang sabi ng pahayag. Ang pahayag na iyun ay nakabaon sa utak ko hanggang ngayon. Sa tuwing magbabasa ako ng mga entry sa mga blog ng kung sino-sino, ng mga taong kilala at mga estranghero, isa sa mga naiisip ko ang tanong na iyun.
Sa isang post ng aking dating guro sa Filipino nabasa ko naman ang isang pahayag na bumaon muli sa isipan ko.
"Write to express not to impress."
Marahil ay isa itong pahayag upang maiparating sa mga tao na nagsusulat ako para sa aking sarili, wala akong pakialam kung gusto niyo o hindi ang mga naparirito, hindi ako nagsusulat para mang-aliw ngunit para magpahayag.
Ano naman ang kinalaman ng mga ito sa akin? Naisip ko kasi noong binabasa ko ang mga dati kong isinulat na may mga panahong na walang kwenta ang mga nilalagay kong posts dito. Na yung iba puro arte, puro palabok at yung iba naman parang pinagdikit dikit lang na salita upang makagawa na ng post.
Naisip ko na ang blog na ito ay pwedeng maihambing sa isang mama sa kalye (ako) na sumisigaw sa mga tao sa kalye (ang mga tao sa internet). Sumisigaw lang ng sumisigaw (posts lang ng post) at bahala na kung may makinig o wala. Walang pakialam kung importante o hindi, kung may ibig sabihin o wala basta ang kanya nakapagsabi siya ng gusto niyang sabihin.
Kapag naiisip ko na ang blog ko ay parang ganong tao, hindi ko mapigilang tumigil at magisip. Baka naman ang blog ko ay puro ingay lang at wala naman talagang naidudulot na matino para sa kaninoman.
Nang maisip ko ito, sinubukan kong usisain kung bakit nga ba ako nagsusulat, kung bakit nga ba ako naglalagay ng mga pangyayari at nadarama sa buhay ko sa isang website. Lumabas na isang malaking bahagi nito ay ang simpleng pagpapakawala sa naiipon na damdamin, ngunit kasama ng pagpapakawala na ito, ay ang daing na sana kahit papano may magbasa at makaintindi o makiramay sa nararamdaman ko at sana kahit papano may matuto sa mga isinulat ko.
May nga nagsasabi kasing hindi raw ganoon ang blog, ang blog daw basta kung anong sa iyo ilabas mo at ayos na sila doon. Naniniwala ako na kahit ikaila man, sabihin mang personal na damdamin ang mga napapaloob sa mga sinasabi dito, at walang pakialam sa mga magbabasa ng isinulat hindi maitatago na kaya inilathala at inilagay sa internet ang mga saloobin ay dahil kahit papano umaasang may pakialam ang iba sa yo. Na sa bawat pindot ng "Post button" ay may kalakip na pagaasam na mayroong babasa sa naisulat. Kaya online ito at hindi ginagawa sa ms word/open office/notepad (at kung ano pa mang text editor) "sinasave" at nilalagay sa isang folder sa hard drive.
Naniniwala rin ako na hanggat makakaya hahanapin dapat ang balanse ng "express" at "impress." Napagtanto ko na hindi ako ang tipo ng tao na kuntento na na basta lamang maipahayag ang aking saloobin, dahil kung may tao mang babasa o didinig ng mga saloobin ko kahit papano ay obligasyon ko sa kanya na ipahayag ito sa maayos na paraan.
Monday, August 28, 2006
Tuesday, August 08, 2006
Pagbabago...
Lagpas pa sa apat na buwan na rin ang lumipas mula noong huli akong nagsulat sa blog na ito. Maaring sabihing nalunod ako sa mga gawaing pang-eskwela, sa sariling katamaran at sa mga pangyayari sa aking buhay kaya hindi ko na nagawang maglagay ng kung ano mang bagong post dito.
Sa loob ng apat na buwan na iyon ay marami ng nangyari sa aking buhay. Sa loob ng apat na buwan na iyon ako'y nakaranas ng mga pagbabago sa aking buhay. Ilang mga pagbabago na aking inasahan at ilang aking kinagulat. Mga pagbabagong maituturing na masaya at meron din namang mga maituturing na kalungkutan.
Ngunit asahan man o hindi, gustohin ko man o ayaw, darating at darating ang mga pagbabago. Sabi nga "The only thing constant is this world is change."
Ang pagpapalit ng layout ng blog na ito, makikita ang isang anyo ng pagbabago. Subalit kahit na magpalit o magbago man ang balat o anyong panlabas niya hindi ito inaalis ang mga bagay na naisulat, nabasa at nangyari na. Napapaloob pa rin dito ang aking mga karanasan noong mga lumipas na mga araw, buwan at taon.
Marahil ay masasabi kong ganoon ding ang lagay ng aking buhay. Dumaan man ako sa maraming pagbabago, hindi nito maiaalis ang mga bagay na aking nadama, naranasan at natutunan.
Kailangan lang harapin ang lahat, at maghanda sa mas marami pang darating na pagbabago

Subscribe to:
Posts (Atom)